MANILA, Philippines - Nahulog na rin sa kamay ng pulisya kamakalawa ang isang lalaking responsable sa pagpatay sa isang pulis at isang Overseas Filipino Worker (OFW) at bumaril sa isang enforcer ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Parañaque City.
Kinilala ang akusado at suspek na si Absamin Musa “alias Jamai Dimalutang”, 23, tubong Marawi City at nakatira sa Baclaran, Parañaque.
Base sa report, dakong alas-10:30 ng gabi nang madakip ang suspect habang nakatayo sa Harrison St., malapit sa Baclaran Terminal Mall ng nabanggit na siyudad.
Ang pag-aresto dito ay base sa warrant of arrest na inisyu ni Judge Fortunito Madrona, ng Branch 274, Parañaque City Regional Trial Court.
Base sa record, si Musa ang bumaril at pumatay kay PO3 Maphilindo Prades noong Mayo 12, 2011.
Ito rin ang bumaril at pumatay kay Michael Tunay, isang OFW noong Disyembre 2, 2011 at noong Disyembre 1 ng taong kasalukuyan ay binaril din nito si Noverino Panzo, isang traffic enforcer ng MMDA.