Kalsadang bawal paradahan, ilalabas ng MMDA
MANILA, Philippines - Sisimulan na ngayon ng Metropolitan Manila Development Authority ( MMDA) ang paglalagay ng bawal na karatula sa lahat ng paparadahan ng mga sasakyan na nasa hurisdiksiyon ng Sampaloc at Sta.Mesa, Manila para gamitin bilang Christmas lane.
Nabatid kay MMDA Public Information Office Director Candy de Jesus na hindi lamang ang pagbabawal ng pagparada sa mga lansangan na gagamitin bilang alternatibong daanan kundi maging ang paglalagay ng iba pang sagabal tulad ng pagtatayo ng karinderya at paglalagay ng mga ambulant vendors sa mga lansangan.
Sa kautusan ni MMDA Chairman Francis Tolentino, nais nitong palawakin pa ang sakop ng Christmas Lane dahil na rin sa kasalukuyang pagtatayo ng undepass sa panulukan ng Araneta at Quezon Avenue na isa rin sa dahilan nang pagsisikip ng trapiko.
Kabilang sa mga alternatibong route sa distrito ng Sampaloc na ipagbabawal na ang pagparada ay ang Vicente Cruz St., Piy Margal, Laong-Laan, M. Dela Fuente, Maria Clara, Sergio Loyola, Dapitan, at iba pang mga lansangan na palabas ng España at E. Rodriguez Avenue sa Quezon City.
Ayon kay De Jesus, dahil sa extension ng Christmas Lane, nasa 170-kilometro na ang sakop nito na mas mahaba kumpara sa dating 150-kilometro.
Matatandaan, na hinikayat ni Tolentino ang mga motorista na gamitin ang tinaguriang Christmas Lane bilang alternatibong daan sa halip na makipagsiksikan sa masikip ng daloy ng trapiko sa kahabaan ng EDSA lalu na ngayong panahon ng Kapaskuhan.
- Latest
- Trending