Kano hulog mula 20th floor ng hotel
MANILA, Philippines - Nagsasagawa ngayon ng masusing imbestigasyon ang Manila Police District (MPD) hinggil sa pagkamatay ng isang American national na uma no’y tumalon sa ika-20 palapag ng isang kilalang hotel sa Ermita, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Wala pang makuhang kumpletong detalye ang mga mamamahayag hinggil sa insidente dahil sa kawalan ng communication na ipinadala sa District Tactical Operation Center (DTOC) ng MPD, na dapat ay awtomatikong nagre-reflect sa kanilang journal.
Sinabi naman ni MPD-Homicide Section chief, S/Insp. Joey de Ocampo, wala pa umanong nagagawang report ang kanilang imbestigador dahil patuloy pa ang pakikipag-ugnayan nila sa US Embassy hanggang sa isinusulat ang balitang ito.
Nabatid na isang lalaking Amerikano ang diumano’y tumalon o nahulog mula sa ika-20 palapag ng Manila Pavillion Hotel na matatagpuan sa Maria Orosa at United Nation Avenue, sa Ermita, Maynila.
Ayon kay de Ocampo ginagawa nila ang lahat ng paraan upang makuha ang detalye at motibo sa tunay na pagkamatay ng biktima.
Ang nasabing hotel ay isa sa may casino na nasa ilalim ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na dinadayo ng mga manunugal.
Natagpuang lasog ang katawan ng nasabing foreigner, sa ika-6 na palapag na ng nabanggit na hotel at isinugod pa ito sa katabi lamang na Manila Doctor’s Hospital.
Nananatili pang nakalagak ang bangkay ng nasabing dayuhan sa nabanggit na ospital.
- Latest
- Trending