MANILA, Philippines - Hindi na umabot ng buhay sa pagamutan ang isang lalaking may diprensiya sa pag-iisip matapos na pukpukin nito ng bato ang sariling ulo sa Mandaluyong City, kamakalawa ng hapon.
Ang biktima na nagtamo ng mga bukol sa ulo at sugat ay nasawi habang dinadala sa Mandaluyong City Medical Center ay kinilalang si Faustino Igmo, 32, walang tiyak na tirahan.
Sa ulat ni PO3 Marvin Masangkay ng Criminal Investigation Unit (CIU) ng Mandaluyong City Police, nabatid na dakong alas-3:30 ng hapon kamakalawa nang pukpukin ng bato ang kanyang sariling ulo ni Igmo sa Brgy. Malamig, Boni Avenue, Madaluyong City.
Sinasabing, tinangkang awatin ang biktima ng mga nakakitang residente sa kanyang ginagawa subalit sa halip na tumigil ay lalo pang nilakasan ang pagpukpok ng bato sa kanyang ulo kahit duguan na ito.
Makalipas ang ilang minuto ay nahilo ang biktima dahil na rin sa dami ng dugong nawala sa kanya kaya naisugod pa sa pagamutan pero nalagutan din ng hininga.
Ayon sa report, ang biktima ay palaging nakikitang pagala-gala sa lugar na wala sa sarili at nagsasalita ng mag-isa na tanda ng pagkakaroon niya ng kapansanan sa pag-iisip.