Ex-police sugatan sa holdap
MANILA, Philippines - Isang dating pulis ang nasugatan nang masaksak ng isa mga suspect makaraang tangkain ng una na manlaban sa mga huli habang hinoholdap ang sinakyan niyang pampasaherong bus sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Base sa report, kinilala ang biktima na si SPO1 Nestor Miral, 56, at tubong Poblacion ng Rosales, Pangasinan.
Si Miral ay nakaratay ngayon sa Veterans Memorial Medical Center dahil sa tinamong mga saksak sa leeg, tiyan at kamay.
Ayon sa mga hinoldap na pasahero, pawang mga kabataang nasa edad na 18 hanggang 19 ang mga suspect at mga katamtaman lamang ang pangangatawan ng mga ito.
Nangyari ang insidente sa may NIA Road, EDSA ganap na alas-12 ng hatinggabi.
Diumano, sakay ng Malanday Metro Link (TWK-401) na minamaneho ng driver na si Renato Briones ang biktima kasama ang may 25 pang pasahero nang holdapin ng apat na suspect.
Sumakay umano sa Cubao ang mga suspek patungo sa Caloocan at habang tinatahak ang kahabaan ng EDSA partikular sa NIA ay nagdeklara ng holdap ang mga ito.
Sinasabing natutulog naman ang biktimang si Miral ng mga sandaling iyon at ginising ito ng katabing babae na nagpabatid sa kanya na hinoholdap sila.
Dito na naalimpungatan si Miral at nang marinig na hinoholdap sila ay tinangka nitong bunutin ang kanyang baril subalit agad siyang niyakap at inundayan ng sunud-sunod na saksak sa katawan ng isa sa mga holdaper.
- Latest
- Trending