Traffic enforcer ng MMDA, binoga sa ulo

MANILA, Philippines - Sugatan ang isang traffic enforcer ng MMDA makaraang barilin ng hindi pa nakikilalang salarin habang sakay ito ng kanyang motorsiklo, kahapon ng umaga sa Parañaque City.

Ginagamot ngayon sa East Avenue Medical Center­ ang biktimang nakilalang si Noverino Panzo, 35, ng Apelo Cruz, Pasay.

Nabatid na nasa maayos na itong kalagayan dahil sa mababaw lamang ang itinagos ng bala sa ulo nito.

Sa ulat ng pulisya, naganap ang pamamaril dakong alas-7:45 ng umaga sa service road ng Roxas Boulevard sa may Bac­laran. Nabatid na bago ang pamamaril, nagsagawa ng operasyon ang MMDA sa mga hinihinalang snatchers sa Baclaran na nagkalat sa kalsada kung saan marami sa mga ito ang dinala sa himpilan ng pulisya.

Dahan-dahang binabagtas ni Panzo ang service road ng Roxas Boulevard na kanyang area nang lapitan ng salarin at barilin ng malapitan sa ulo bago mabilis na tumakas.

May hinala ang pulisya na niresbakan ng mga kasamahan ng sindikato ng snatchers si Panzo matapos mapagkamalan na kasama siya sa mga nagsagawa ng operasyon.

Show comments