MANILA, Philippines - Kinumpirma ng isang heneral na tumatayong traffic consultant sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na ginagawang gatasan at kinukunsinti ng mga tiwaling traffic enforcers ang mga barker na nangingikil naman sa mga pampasaherong bus sanhi ng matinding pagbubuhol ng trapiko.
Ito ang inamin ni ret. General Maximo Dilla, supervising consultant sa Commonwealth Special Traffic District (CSTD) makaraang lumabas ang reklamo ng ilan niyang traffic enforcers na nagpetisyon na mapatalsik ito sa MMDA dahil sa umano’y pagmamalabis sa tungkulin at pananakit.
Sinabi ni Dilla na pinangunahan ang naturang petisyon ni TA Jerome Bolivar, ang kanyang deputy district traffic officer sa CSTD. Nais umano siyang mapatalsik ni Bolivar dahil sa ginagawa niyang reporma sa mga traffic enforcers at pagsugpo sa malawakang korapsyon at kapabayaan sa trabaho.
Sinabi nito sa kanyang ipinadalang affidavit sa mga mamamahayag na ilang beses na niyang pinagpapaliwanag si Bolivar sa mga problema sa Commonwealth Avenue. Bigo umano ito na malinis ang mga loading bays sa Ever Gotesco at Don Antonio na nangingikil sa mga pampasaherong bus at jeep na siya namang kinokotongan ng mga enforcers.
Pinagpapaliwanag din niya si Bolivar sa kabiguan na maglagay ng “rubber cone o plastic barrier” sa Zuzuarigue, Commonwealth na sanhi ng matinding buhol na trapiko at palagiang pagkabigo na magsumite ng attendance report ng mga traffic enforcers.