MANILA, Philippines - Puspusan ang isinasagawang kampanya ng pamahalaang lungsod ng Navotas para masagip ang mga kabataan na nalulong sa ipinagbabawal na gamot.
Sa isinagawang Drug Prevention and Control Week sa Navotas City Hall na pinangunahan ni Mayor John Rey Tiangco, Chairman ng Navotas Anti-Drug Abuse Council, ipinaabot nito sa mga residente ang panganib na dulot ng mga ilegal na droga. Bilang patunay na seryoso ang pamahalaang lungsod sa pagsugpo sa ilegal na droga, isinailalim sa random drug testing ang mga empleyado ng lungsod.
Nagkaroon din ng Inter-school Painting at Poster-making contest na may temang “Global Action for Healthy Communities Without Drugs” na sinalihan ng mga mag-aaral sa elementarya at sekondarya mula sa iba’t ibang pampubliko at pribadong eskuwelahan sa lungsod.
Dagdag pa rito, nagkaroon din ng “Rockrockan Kontra Droga” na ginanap sa Navotas Centennial Park na kung saan nakisali ang mga sikat na rakista at banda.