Koreano sugatan sa ambush
MANILA, Philippines - Sugatan ang isang 41-anyos na Korean national matapos itong tambangan ng hindi nakikilalang suspect habang sakay ng kanyang kotse sa Ermita, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Nilalapatan ng lunas sa Manila Doctor’s Hospital ang biktimang si Charles Kim, nanunuluyan sa Unit 1505 Echelon Tower, Mabini St., Ermita.
Ayon sa pulisya, dakong alas-9:45 ng gabi nang maganap ang insidente sa panulukan ng United Nations Ave. at L. M. Guerrero St. sa Ermita.
Nabatid na galing sa isang restaurant ang biktima at habang binabagtas niya ang nasabing lugar lulan ng kanyang kulay puting Ford Expedition (XMS-620) nang paputukan ng isang hindi nakikilalang lalaki.
Dahil sa tinamong tama sa balikat, nawalan siya ng kontrol sa manibela at bumangga sa nakaparadang Toyota (POL 911).
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon sa kaso at tinututukan ang anggulong awayan sa negosyo ang motibo sa bigong ambush.
- Latest
- Trending