MANILA, Philippines - Isang sawa na may habang anim na talampakan ang natagpuan sa isang comfort room sa lungsod Quezon kamakalawa ng gabi.
Ayon sa ulat, ang sawa ay natuklasan ng isang Michael Alcaras, 12, sa may gilid ng inidoro ng kanilang palikuran sa Aguho St., Brgy. Claro, Project 3 ganap na alas-6 ng gabi.
Ayon kay Alcaras, maliligo sana siya nang mapuna niya na katabi na niya ang nasabing sawa at sa takot ay agad siyang tumakbo papalabas at humingi ng tulong.
Agad namang sumaklolo ang kanyang mga kapitbahay at hinuli ang nasabing ahas, saka ikinulong sa may maliit na drum.
Sinasabing hindi lang isang beses na nakahuli ng sawa sa naturang lugar kung saan ang mga nauna nang nahuli ay ibinenta o ginawang pulutan.
Ayon sa mga residente, malapit umano ang kanilang lugar sa creek na pinaniniwalaang tinitirhan ng mga sawa.