Empleyado, nagbigti sa City Hall
MANILA, Philippines - Nabulabog ang pang-Lunes na flag ceremony ng mga empleyado ng Pasay City Hall kahapon ng umaga makaraang madiskubre ang bangkay ng isang tauhan ng Pasay City Treasurer’s Office na hinihinalang nagbigti sa loob ng palikuran ng kanyang opisina.
Nakilala ang nasawi na si Ronaldo Urbina, 33, casual na empleyado ng Treasury Office ng Malibay, Pasay.
Natagpuan ang bangkay nito na nakabigti gamit ang kurdon ng electric fan na isinabit sa rehas na bakal ng palikuran ng City Treasurer’s Office dakong alas-6:30 ng umaga ng kasamahan nito sa trabaho na si Fernando Cunanan.
Ayon sa mga security guard ng City Hall, napakaagang pumasok ng biktima, dakong alas-4:20 ng madaling-araw kung saan ito ang nagbukas ng opisina ng Treasurer’s Office at hindi na lumabas.
Isang empleyada at dalawang janitress ang papasok sana ng CR pero hindi mabuksan kaya kinuha ni Cunanan ang duplicate key. Nang mabuksan, tumambad sa paningin ang bangkay ng biktima na nakadausdos ang mga paa sa sahig at nakabitin sa bakal na rehas na bintana.
Ayon sa ulat, sumama pa umano ang biktima sa outing kamakalawa para mag-swimming kasama ang ibang empleyado ng tanggapan. Wala naman umanong alam ang mga kasamahan nito kung ano ang dahilan ng pagpapakamatay ng biktima dahil sa wala naman itong naibulalas na hinanakit o problema.
Patuloy naman ang masusing imbestigasyon ng Pasay City Police sa naturang malagim na insidente.
- Latest
- Trending