MANILA, Philippines - Isang manhunt operation ngayon ang isinasagawa ng Manila Police District (MPD) laban sa kanilang kabaro na umano’y nakapatay sa isang 22-anyos na pedicab driver na sumita sa pag-ihi ng pulis sa Quiapo, Maynila kamakalawa ng gabi.
Si PO1 Gabriel Mandap, ng MPD-Station 10 (Pandacan) at residente ng Tondo, Maynila ay sinasabing responsable sa pagkamatay ni Sonny Boy Pantoja, ng Quiapo, Maynila. Idineklara itong dead-on-arrival sa Jose Reyes Memorial Hospital.
Sa report ni Det. Alfonzo Layugan ng MPD-Homicide Section, dakong alas-8:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa harapan ng Quinta Market sa Palanca St., Quiapo, Manila.
Nag-iinuman ang biktima kasama ang kaibigang si Arnold Managbanag sa harapan ng nasabing palengke nang lumapit ang suspect at umihi sa isang manhole malapit sa kanilang iniinuman.
Nabatid na galing naman ang suspect sa isang inuman sa binyagan malapit sa nasabing palengke nang makaramdam ng tawag ng kalikasan at umihi sa nasabing lugar.
Sinabihan umano ng biktima ang suspect na bawal ang umihi kung saan-saan lugar na ikinagalit naman ng pulis at walang sabi-sabing sinuntok ang biktima na bumagsak sa semento.
Ayon kay Sr. Insp. Joey de Ocampo, hepe ng MPD-Homicide section, nagtago at hindi na nag-report sa kanyang duty si Mandap.