MANILA, Philippines - Tugis ngayon ng Quezon City Police District ang dalawang kalalakihan na nangholdap sa isang dental clinic matapos na magkunwaring mga pasyente dito kamakalawa.
Kaya naman nagbabala ang QCPD sa mga klinika na mag-ingat dahil sa muling pag-atake ng mga ito lalo ngayong nalalapit na ang Pasko.
Ayon sa ulat, ang huling biktima ng mga suspect ay ang klinika ni Dra. Maria Carmen Bautista sa may New York St., Brgy. Immaculate Concepcion ganap na alas 3:50 ng hapon.
Bago nito, pumasok umano ang dalawang lalaki sa klinika ng biktima at nagkunwaring mga pasyente na magpapa-ayos ng kanilang mga ngipin.
Nang makapasok sa loob ay saka nagdeklara ng holdap ang mga suspect, at sinamsam ang gamit at pera ng doktora tulad ng tatlong cellphone, P20,000 cash at tatlong tseke.
Natangay din ang dalawang cellphone, P3,100 cash ng secretary ni Bautista na si Cynthia Libian-Corro, 30, at cellphone ng isang Alex Hilario.
Matapos na makuha ang pakay sa mga biktima ay mabilis na tumakas ang mga suspect.
Sa ngayon, patuloy ang pagsisiyasat ng awtoridad sa nasabing insidente.