MANILA, Philippines - Dinakip ng kanyang mga kabaro ang isang retiradong miyembro ng Manila Police District (MPD) sa pamamagitan ng warrant of arrest na inisyu ng Manila Regional Trial Court kaugnay sa pagpatay sa isang 18-anyos na lalaking residente ng Tondo, Maynila noong Marso 13, taong kasalukuyan.
Kahapon, dakong alas 11:45 ng umaga nang arestuhin sa panulukan ng Roxas Blvd. at Katigbak St. sa Ermita, Maynila ng mga tauhan ng MPD-District Mobile Group-Mobile Patrol Unit ang suspect na si SPO2 Cresenciano Martinez, 60, residente ng Dulo Isla Puting Bato, Tondo.
Sinabi ni P/Insp. Edgar Reyes, hepe ng MPD-DMPU na hawak ng isang Racquel Oligue, ang warrant of arrest mula sa Manila RTC Branch 37 nang ituro sa kanila ang akusadong pulis sa pagpatay sa anak nito na si Fernando Oligue.
Naganap ang pamamaril noong Marso 13, 2011 at binawian ng buhay noong Marso 17, sa Jose Reyes Memorial Medical Center.
Ayon sa ginang, nabanggit pa ng anak ang pangalan ng pulis na bumaril sa kanya kaya naisampa ang reklamo sa MPD-Station2.
Habang nagpapatrulya ang mobile, pinara sila ng ginang at itinuro ang suspect na sakay ng kanyang kotse na agad namang pinahinto at inaresto.
Kinumpiska mula kay Martinez ang isang Llama cal. 45 na dala nito.