MANILA, Philippines - Nadakip ng mga nagpapatrulyang pulis ang isang 47-anyos na babaeng pinaniniwalaang ‘source’ ng solvent sa Divisoria market, Binondo, kamakalawa ng gabi.
Umabot sa 108 pirasong botelya na naglalaman ng solvent ang nakumpiska mula sa suspect na kinilalang si Lolita Figura ng Gate 17 Area D, Parola Compound, Tondo, Maynila.
Sa ulat nina SPO2 Luis Lacastre at PO2 Romeo Ricamara, ng Manila Police District-station 11, dakong alas-11:00 ng gabi nang mamataan ang suspect sa kanto ng Recto at Tabora sts., sakop ng Binondo, habang nagbebenta ng sinasabing solvent sa mga kabataan.
Sakay ang dalawang pulis ng marked vehicle nang mapuna ang nakalabas na walong botelya na hawak ng suspect at nang lapitan ay nakita din ang itinatagong 100 botelya pa.
Nakatakdang ipagharap ng reklamong paglabag sa PD 1619 (Illegal sale and Posession of Volantile substance) ang suspect sa Manila Prosecutor’s Office.