MANILA, Philippines - Malungkot ang nalalapit na Pasko at Bagong Taon para sa tinatayang may 300 pamilya nang mawalan ng tahanan sa isang sunog na tumupok sa may 100 kabahayan sa isang residential area sa Mandaluyong City kahapon ng madaling-araw.
Batay sa ulat ni SFO1 Victorio Tablay, ang apoy ay sumiklab dakong ala-1:00 ng madaling-araw mula umano sa tahanan ng isang Marissa Pitel, sa Block 19-B, Welfareville Compound, sa Martinez St., Brgy. Addition Hills, Mandaluyong City.
Bineberipika ng mga awtoridad kung totoo ang ulat na umano’y isang napabayaang kandila sa ibabaw ng plastic cabinet ang naging dahilan ng apoy na mabilis namang kumalat sa mga katabing bahay na pawang gawa lamang sa mga light materials.
Wala namang nasugatan o nasaktan sa sunog na umabot sa Task Force Bravo at naideklarang fire-out dakong alas-3:20 ng madaling-araw.
Ang mga nasunugan ay pansamantalang nanunuluyan sa kalapit ng Hardin ng Pag-asa at binigyan na ng ayuda ng Department of Social Welfare and Development. Tinatayang aabot sa P3 milyon ang halaga ng mga ari-ariang naabo sa sunog, sa lugar na sinasabing una na ring nasunog noong Nobyembre 2009 at umabot sa Task Force India.