Pahinante pisak sa truck

MANILA, Philippines - Kalunus-lunos ang sinapit ng isang 21-anyos na pahinante makaraang mapisak ang katawan nang magulungan ng sariling sinasakyang trak matapos na mahulog ito, kamakalawa ng gabi sa Taguig City. Agad na nasawi ang biktimang nakilalang si James Roy Aldeza, pahinante ng trak na pag-aari ng kompanyang Great Sierra Development Inc.

Inimbitahan naman ng pulisya ang driver ng trailer truck (EQO-492) na si Fernando Omo, 47, ng Blk 5 Lot 15 Mahogany Village, San Isidro, Laguna at maaaring maharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide.

Sa ulat ng Taguig City Police, naganap ang insidente dakong alas-9:30 ng gabi sa may C-5 Road sa Brgy. Ususan. Tinatahak ng trailer truck ang naturang kalsada nang biglang bumukas ang pinto ng trak.

Mapangahas na tinangkang isara ni Aldeza ang pintuan kahit mabilis na tumatakbo ang dambuhalang sasakyan nang madulas at mahulog ito hanggang mapailalim at magulungan ng trailer truck.

Show comments