MANILA, Philippines - Himas rehas ngayon ang apat na kalalakihan kabilang ang dalawang menor-de-edad makaraang maaresto dahil sa panghoholdap sa isang nurse sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Kinilala ang mga suspect na sina Gerald Gaje, 18; Armand Lauron, 25; at mga alyas na Betong, 15; at Berto, 14; pawang mga residente sa Brgy. Paligsahan sa lungsod.
Sila ay natunton sa follow up operation ng mga opisyales ng Brgy. Paligsahan matapos na humingi ng saklolo ang biktimang si Annabelle Bascuguin, 22, ng Morato St., Brgy. Damayan.
Sa imbestigasyon, nangyari ang insidente sa kahabaan ng Quezon Avenue sa pagitan ng Roces Avenue at Scout Magbanua St., Brgy. Paligsahan ganap na alas-11:40 ng umaga.
Kuwento ng biktima, naglalakad siya sa lugar papauwi ng bahay nang harangin siya ng mga suspect at biglang tutukan ng patalim sabay deklara ng holdap.
Nang makuha ang pakay sa biktima tulad ng cellphone at pera ay agad na sumibat ang mga suspect papalayo. Habang ang biktima naman ay nagdesisyong dumulog sa himpilan ng barangay.
Mabilis namang tumugon ang mga opisyales ng barangay, kung saan habang nagpapatrulya sina Norlie Nacor at Bartolome Tibay sa may Mother Ignacia St., Brgy. Paligsahan ay naispatan nila ang mga suspect na nag-iinuman ganap na alas 6:30 ng umaga. Agad na inimbita ng mga tanod ang apat sa himpilan ng barangay kung saan pagsapit dito ay nilapitan ni Lauron si Tibay at humihingi ng tawad saka isinosoli ang isang cell phone.
Kasong robbery ang kinakaharap ngayon nina Gaje at Lauron habang ang dalawang menor de edad naman ay nakatakdang dalhin sa tanggapan ng Deparment of Social Welfare and Development para sa kaukulang disposisyon.