MANILA, Philippines - Inilagay na sa hightened alert ng pamunuan ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang kanilang puwersa upang matiyak ang kaligtasan ng publiko sa posibleng pagkaroon ng sunog dulot ng paggamit ng mga depektibong Christmas light.
Ayon kay BFP-National Capital Region director Chief Supt. Santiago Laguna, ang paglalagay sa hightened alert ay layuning mabawasan o maiwasan man lamang ang aksidente sa sunog sanhi ng kawad ng kuryente.
Kaya naman nagbabala si Laguna sa publiko na iwasan ang pagbili ng sub-standard na electrical supplies lalo na ang Christmas lights na ibinebenta sa murang halaga at mabibili sa mga kalsada.
Giit ng opisyal, ang Christmas lights na mga sub-standard, base sa statistics, ang nagiging sanhi ng sunog sa ilang mga kabahayan sa Metro Manila.
Magsasagawa rin ng inspection ang kagawaran sa lahat ng commercial establishment sa Metro Manila para matiyak na ang ibinibenta nilang Christmas lights ay pumasa sa safety standard na inisyu ng Department of Trade and Industry.
Pinayuhan din ng opisyal ang publiko na sumunod sa fire safety tips at guidelines tulad na huwag susunugin ang wrapping paper, kahon na pambalot ng regalo, huwag iwan ang apoy lalo na ang nakasinding kandila, patayin muna ang apoy bago matulog, huwag din hayaang paglaruan ang apoy ng mga bata, palitan ang mga sirang ilaw, at laging tingnan ang mga plugs ng kuryente, at higit sa lahat huwag gumamit ng ilaw na hindi ligtas.
Sa oras ng emergency maaring tumawag sa hotline 117.