MANILA, Philippines - Bangkay na nang matagpuan ang isang lalake na napa-ulat na dalawang araw nang nawawala matapos na lumutang sa lagoon sa loob ng Quezon City Circle, iniulat kahapon.
Ang biktima ay kinilalang si Derick Aquino, 29, empleyado ng Pedal N Paddle at residente ng Brgy. Commonwealth sa lungsod.
Sa ulat ng pulisya, natagpuan ang bangkay ng biktima sa Pedal N Paddle, isang atraksyon sa loob ng Quezon City Circle ganap na alas-11:30 ng gabi.
Huling nakitang buhay ang biktima bandang alas-2 ng hapon noong Nobyembre 20 na kausap ang isang lalaking kostumer sa lugar na diumano’y nakahulog ng cellphone sa lagoon ng parke.
Sinasabing nakahanda umanong magbigay ng pabuya ang kostumer sa kung sino man ang makakakuha ng cellphone nito.
Ayon kay Marilou Morales, kasamahan sa trabaho ng biktima, nasabi umano ni Aquino na lulusong siya sa lagoon upang kunin ang cellphone ng customer dahil kailangan umano nito ng pera. Pinigilan pa ni Morales si Aquino, ngunit nagtuloy din ito sa paglusong.
Ganap na alas-11:30 kamakalawa ng gabi habang naghahanda na ang mga empleyado ng Pedal N Paddle para magsara, nakita ni Florencio Singian, na may lumulutang na tao sa gitna ng lagoon.
Sa pagsisiyasat naman na ginawa ng Scene of the Crime Operations (SOCO) ng QCPD lumalabas na ang biktima ay nagtamo ng mga sugat sa kaliwang dibdib at kanang pisngi nito.
Sa kasalukuyan ay inaalam pa ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Unit ng QCPD kung may nangyaring foul play sa insidente.