MANILA, Philippines - Umaabot na sa halos 25,000 ang naitalang kaso ng dengue sa Metro Manila ngayong taon.
Base sa datos ng Department of Health (DOH) Center for Health Development sa National Capital Region, mas mataas ng 11 porsiyento ang dengue cases ngayong 2011.
Sa 24,359 na kaso ay 132 ang naitalang na matay kumpara sa naitalang kaso na 21,997 noong nakaraang taon sa period na Enero 1 hanggang Nobyembre 12.
Ayon kay Metro Manila-DOH Regional Director Dr. Eduardo Janairo, karamihan sa mga nagkasakit ay mga lalaki na mula bagong panganak hanggang 15 taong gulang.
Naitala naman ang pinakamaraming kaso ng dengue sa Quezon City kung saan nakapagtala ng 7,782 kaso, na sinundan naman ng Maynila na may 3,618 at 2,626 sa Caloocan.
Bunsod nito, muling pinayuhan ng opisyal ang publiko na palaging panatilihing malinis ang kanilang kapaligiran at regular na suriin ang mga sisidlan ng tubig na posibleng pangitlugan ng mga lamok na may dalang dengue.