Pinakamataas na passing rate sa Criminology naitala ng Taguig University
MANILA, Philippines - Naitala ng Taguig City University (TCU) ang pinakamataas na passing rate sa mga kumuha ng Criminology Licensure Examination para sa taong 2011 mula sa malaking bilang ng mga estudyanteng kumuha ng pagsusulit.
Ayon kay Taguig City Mayor Lani Cayetano, pagpapatunay lamang ito na naging epektibo ang ipinatutupad nilang reporma sa edukasyon.
Napag-alaman na sa 17,804 na kumuha ng licensure examination, tanging 7,789 ang masuwerteng nakapasa sa pagsusulit na may katumbas na 43.75 porsiyentong nationwide passing rate. Kaugnay nito, binabati ni Cayetano ang mga bagong criminologist gayundin ang buong faculty ng TCU na pinatatakbo ng Lungsod ng Taguig.
Ang TCU ay isa sa nabenepisyuhan ng itinaas na budget para sa edukasyon na umaabot sa P1.211 bilyon. Nag-alok din ang alkalde ng incentive sa estudyanteng makakakuha ng mataas na marka sa nasabing pagsusulit.
- Latest
- Trending