Plate number sa helmet, pinaboran ng MPD chief
MANILA, Philippines - Dahil sa lumalalang insidente ng riding in tandem, pabor si Manila Police District director Sr. Supt. Alex Gutierrez sa paglalagay ng plate number ng motorsiklo sa mga helmet ng mga sakay.
Sa ginanap na People’s Day, sinabi ni Gutierrez na hindi maaaring ipagbawal ang magka-angkas na dalawang lalaki sa motorsiklo na ngayon ay madalas na nasisita dahil sa insidente ng panghoholdap at ambush.
Ayon kay Gutierrez, mas makabubuti kung ilalagay din sa helmet ang mga plaka ng motorsiklo upang madaling maberipika sa mga checkpoints.
“Kung dalawa ang sakay dapat dalawang helmet ang may number ng plaka na kanilang sinasakyan”, ani Gutierrez.
Pinayuhan din ni Gutierrez ang mga riding in tandem na magkaroon ng koordinasyon sa mga nagsasagawa ng checkpoints upang maiwasan ang anumang aberya.
Nabatid kay Gutierrez na pinadadagdagan na rin niya ang mga checkpoints sa ilang lugar sa Maynila upang matiyak na mabibigyan ng sapat na seguridad ang publiko partikular na sa gabi at madaling araw.
Ang aksiyon ni Gutierrez ay alinsunod na rin sa kautusan ni Manila Mayor Alfredo Lim na dagdagan ang police visibility sa ilang lugar sa lungsod dahil ito pa rin ang pinaka epektibong paraan laban sa kriminalidad.
- Latest
- Trending