Kelot utas sa pagtatapon ng hollow blocks
MANILA, Philippines - Apat na saksak sa dibdib ang tumapos sa buhay ng isang 50 anyos na lalaki nang resbakan ng kapitbahay na sinita niya sa pagtatapon umano ng hollow blocks sa tapat ng kaniyang bahay, sa Port Area, Maynila, kahapon ng umaga.
Dead on the spot si Melchor Cervantes, ng Port Area habang mabilis namang tumakas ang suspect na si Dennis Lucero, 37, laborer.
Sa ulat ni PO3 Jose Gumilan ng Manila Police District Homicide Section, dakong alas-6:00 ng umaga nang maganap ang insidente sa harapan ng isang bahay sa Malta 2-1a, Gawad Kalinga, Port Area.
Nagsimula umano ang alitan ng Sabado ng gabi, nang dumating ang suspect na lasing at nagbagsak ng hollow blocks sa tapat ng bahay ng biktima, na ikinagalit ng huli. Nauwi ito sa ma initang pagtatalo subalit naawat ng mga kapitbahay.
Kinabukasan, nang magising ang biktima ay nagtungo ito sa tindahan ng kanyang misis nang bigla na lamang siyang pag-uundayan ng saksak ng suspect.
- Latest
- Trending