MANILA, Philippines - Apat katao ang patay kabilang ang isang sanggol nang sumiklab ang sunog mula sa pinaglaruang kandila ng mga bata sa lungsod Quezon kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni Supt. Bobby Baruelo, district Fire marshal, ang mga nasawi na sina Annie Joy Alcala; kapatid nitong si Alfred John, 10 buwang gulang; Jaypee Baflor, 25, at isa pang hindi natukoy na biktima.
Sugatan naman sina Ronnie Pangatuan, 23; Louie Spiel, 27; Marites Cuneta, 27, at Jenny Somali, 28, matapos na makuryente at malapnos ang katawan sa mga naglalagablab na yero. Agad silang isinugod sa malapit na ospital.
Nangyari ang insidente sa squatters area sa may NIA Road, Brgy. Pinyahan ganap na alas-12:55 ng umaga.
Nagsimula umano ang apoy sa bahay ng isang Ranillo Pangatuan sa no. A-100 NIA Road, nang biglang umapoy ang ikalawang palapag ng bahay nito kung saan naglalaro umano ng kandila ang apat na bata.
Dahil yari sa light materials ang bahay, mabilis na kumalat ang apoy hanggang sa tuluyang lamunin ito at madamay na rin ang mga kalapit bahay.
Umabot sa 500 kabahayan ang naabo kung saan natagpuan na lamang ang mga biktima sa loob mismo ng kanilang bahay na sunog na sunog ang katawan.
Ang biktimang si Baflor ay nagawa pang maitakbo ng rescue team sa East Avenue Medical Center pero hindi na rin umabot pa ng buhay.
Dala ng masikip na lugar, hindi kaagad naapula ng mga bumbero ang apoy, kung kaya umabot ito sa Task Force Charlie bago nadeklarang fire out ganap na alas-6:25 ng umaga.
Tinatayang aabot sa P7 milyon ang halaga ng pinsala sa naturang sunog.