MANILA, Philippines - Pinagtulungang saksakin hanggang sa mapatay ng magkapatid ang kanilang tiyuhin makaraang maasar umano ang mga ito sa sermon ng huli kamakalawa ng gabi sa Valenzuela City. Nakilala ang nasawing biktima na si Salvador Francisco, 44, ng Pablo St., Brgy. Karuhatan ng nabanggit na lungsod.
Nadakip naman ang sus pek na si Christopher Soriano, 23, habang nakatakas naman ang kapatid nitong si Carlo, 20, kapwa nakatira sa nasabing lugar.
Sa imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-11:30 ng gabi sa loob ng bahay ng magtitiyuhin sa Pablo St., ng nabanggit na barangay.
Nabatid na sinisermunan ng biktima ang mga suspek dahil parating lasing at umiinom pa sa harapan ng kanilang bahay. Dahil dito, nagalit ang magkapatid hanggang sa kumuha ng patalim at pinagtulungan nilang saksakin ang kanilang tiyuhin.