MANILA, Philippines - Isang 56-anyos na babaeng helper sa bahay ni Quezon City councilor at actor na si Alfred Vargas ang inaresto ng mga awtoridad makaraang tangkain nitong tangayin ang vault na naglalaman ng mga importanteng bagay ng huli sa lungsod Quezon kamakalawa.
Ang suspect ay kinilalang si Clarita Florida, stay in helper sa bahay ng aktor sa Don Antonio Heights, Brgy. Holy Spirit sa lungsod.
Ayon sa pulisya, si Florida ay naaresto matapos na masabat ng personnal assistant ng aktor na si Helen Lagaras habang itinatakas ang vault sakay ng isang taxi.
Sa pagsisiyasat, nagawang tangayin ni Florida ang vault matapos na maiwan itong mag-isa sa bahay ng aktor pasado alas-6 ng gabi.
Sinasabing pagkalabas ng suspect sa vault ay isinakay niya ito sa taksi, subalit habang papalayo ay naispatan ang una ni Lagaras dahilan para habulin siya nito at pigilan.
“Pagkalabas po ng taxi, may motor pong dumating hinarang ko po. Nakiangkas po ako at hinabol namin hanggang gate, tapos sinabi ko po sa mga guwardiya na huwag silang papalabasin,” sabi ni Lagaras.
Matapos nito, agad na tinawagan ni Lagaras ang among si Vargas saka ipinabatid ang naturang pangyayari, saka humingi ng tulong sa himpilan ng Police Station 6 at inaresto ang suspect.
Unang sinabi ni Florida na nabiktima siya ng ‘Dugo-dugo gang’, kaya niya nagawang kunin ang vault dahil may tumawag sa kanya at sinabihan siyang ang kanilang boss ay nasangkot sa vehicular accident at nangangailangan ng pera para sa hospital bills.
Subalit, ayon kay Senior Insp. Roberto Razon, hepe ng Intelligence Unit ng PS6, may nakita silang mga pagkakamali sa naging pahayag ng suspect nang kanilang imbestigahan sa harap ng kanyang abogado, hanggang sa aminin umano nito na nangangailangan siya ng pera sa probinsya.
Nabatid na ang vault ay naglalaman ng assorted jewelries at mga mahalagang dokumento na pag-aari ng nasabing aktor. Inihahanda na ang kaso laban sa suspect.