MANILA, Philippines - Sinampahan kahapon ng kasong robbery extortion ng Pasay City Police sa piskalya ang isang opisyal ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at mga tauhan nito makaraang kotongan umano ang isang Chinese national.
Pinangalanan ng Pasay police ang kinasuhang opisyal na si P/Chief Insp. Bienvenido Reydado, hepe ng Anti-Fraud and Commercial Crime Division ng CIDG, habang hindi naman pinangalanan ang mga tauhan nito na nakatakas sa pulisya.
Batay sa isinumiteng ulat, unang inaresto umano ng mga tauhan ng CIDG ang Chinese national na si Michael Cheng, 34, sa hindi mabatid na kaso at hiningian ng P.4 milyon kapalit ng kanyang kalayaan.
Tinawagan naman ni Cheng ang kaibigan na si Fong Kwan Kong, 33, upang ito ang magdala ng pera.
Gaganapin sana ang abutan ng salapi sa Blue Wave Complex sa Macapagal Avenue dakong alas-11:30 kamakalawa ng gabi subalit nakalikom lamang si Kong ng P200,000 kaya’t hindi pumayag ang mga pulis na palayain ang kanyang kaibigan.
Dahil dito’y humingi na ng tulong si Kong sa Pasay police subalit nang magresponde sina Chief Insp. Joey Goforth, hepe ng Investigation Section, at mga tauhan, tinangka pa umano silang sagasaan ng driver ng Toyota Fortuner na kinalululanan ng mga pulis at ng hinuling si Cheng bago mabilis na tumakas.
Saka naman lumutang sa naturang lugar si Chief Insp. Reydado at inamin na kasamahan niya ang sakay ng Toyota Fortuner at may operasyon silang isinasagawa sa naturang lugar.
Gayunman, nang suriin ng Pasay police ang koordinasyon ng grupo, natuklasan na isinagawa lamang ang “coordination paper” na hawak nito ilang oras matapos na ang nabulilyasong extortion sanhi upang imbitahan sa istasyon ng pulisya si Reydado.