Riding in tandem bulagta sa shootout

MANILA, Philippines - Bulagta sa kalye ang da­la­wang papatakas na hol­da­per nang makipagpalitan ng putok sa rumes­pondeng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) sa Tondo, Maynila, kahapon ng ma­da­ling-araw.

Inilarawan ang unang sus­pect sa edad na 30 hanggang 35, may taas na 5’5, naka-shorts ng kulay gray, t-shirt na puti at naka-sapatos, habang ang ikalawang suspect ay may suot na wristband sa kaliwang kamay, nakasuot ng itim na short pants at itim na pang-itaas, na nasa edad din na 30 hanggang 35.

Sinabi ni Senior Insp. Joey de Ocampo, hepe ng Manila Police District-Homicide Section, na humingi ng saklolo ang hinoldap na si Michael Arieta, 43, computer technician at resi­dente ng Copper St., Pa­rañaque City, sa nagpapatrulyang MPD-station 2 Mobile Car (321) na humabol sa mga suspect na riding in tandem.

Dakong alas-4:00 ng madaling-araw nang magkaroon ng palitan ng putok sa pagitan ng mga pulis at mga suspect na nagpang-abot sa may Moriones St., Tondo.

Nabatid na si Arieta ay tinutukan ng baril ng ri­ding in tandem habang nakatayo sa gilid ng Road 10 at tinangay ang kaniyang wallet na may P3,000 at kuwintas bago humarurot.

Nabatid na inihatid lamang ng biktima ang ‘ka-textmate’ na nakipag-eye­ball sa kaniya sa pagsakay ng taxi.

Narekober mula sa mga suspect ang kalibre .45 ba­ril, pera at kwintas ni Arieta.

Show comments