Riding in tandem bulagta sa shootout
MANILA, Philippines - Bulagta sa kalye ang dalawang papatakas na holdaper nang makipagpalitan ng putok sa rumespondeng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Inilarawan ang unang suspect sa edad na 30 hanggang 35, may taas na 5’5, naka-shorts ng kulay gray, t-shirt na puti at naka-sapatos, habang ang ikalawang suspect ay may suot na wristband sa kaliwang kamay, nakasuot ng itim na short pants at itim na pang-itaas, na nasa edad din na 30 hanggang 35.
Sinabi ni Senior Insp. Joey de Ocampo, hepe ng Manila Police District-Homicide Section, na humingi ng saklolo ang hinoldap na si Michael Arieta, 43, computer technician at residente ng Copper St., Parañaque City, sa nagpapatrulyang MPD-station 2 Mobile Car (321) na humabol sa mga suspect na riding in tandem.
Dakong alas-4:00 ng madaling-araw nang magkaroon ng palitan ng putok sa pagitan ng mga pulis at mga suspect na nagpang-abot sa may Moriones St., Tondo.
Nabatid na si Arieta ay tinutukan ng baril ng riding in tandem habang nakatayo sa gilid ng Road 10 at tinangay ang kaniyang wallet na may P3,000 at kuwintas bago humarurot.
Nabatid na inihatid lamang ng biktima ang ‘ka-textmate’ na nakipag-eyeball sa kaniya sa pagsakay ng taxi.
Narekober mula sa mga suspect ang kalibre .45 baril, pera at kwintas ni Arieta.
- Latest
- Trending