MANILA, Philippines - Hindi natuloy ang pagbasa ng sakdal o arraignment sa 18-anyos na si Ramon Joseph Bautista-Revilla kaugnay ng pagiging utak umano sa pagpatay sa kanyang kuya Ramgen kahapon ng umaga sa Parañaque City Regional Trial Court.
Ito’y makaraang pagbigyan ni Parañaque RTC branch 274 Judge Fortunito Madrona ang hirit ni Atty. Dennis Manzanal, abogado ni RJ, na resolbahin muna ng korte ang isinumite nitong “motion to quash” bago magsagawa ng arraignment.
Matatandaan na isinumite ni Manzanal ang motion to quash kung saan kinuwestiyon nito ang legalidad sa pag-aresto ng Parañaque police kay RJ na umano’y iligal. Ito ay matapos rin na pumayag ang kanilang kampo na huwag nang isailalim sa preliminary investigation si RJ kaya diretsong naisampa ang kasong murder at frustrated murder sa sala ni Judge Madrona.
Muli namang itinakda ni Judge Madrona ang pagdinig kung babasahan na ng sakdal si RJ sa Enero 17 kung saan reresolbahin muna ang usapin sa mosyong isinampa ni Manzanal.
Naiakyat na rin sa sala ni Madrona ang kaso laban kina Roy Francis Tolisora at Michael Jay Nartea, ang dalawang itinuturong gunman na pumaslang kay Ramgen.