MANILA, Philippines - Inaasahang maghahain ngayong araw ng “not guilty plea”, ang 18-anyos na si Ramon Joseph Bautista-Revilla sa nakatakdang pagbasa ng sakdal sa kasong murder at frustrated murder na kinakaharap kaugnay ng pagiging utak umano sa pagpaslang sa kanyang kuya na si Ramgen Revilla.
Tiniyak naman ni Parañaque City Police chief, Sr. Supt. Billy Beltran na plantsado ang seguridad na ipatutupad nila sa Parañaque City Regional Trial Court. May mga itinalaga silang mga pulis sa loob at labas ng korte para sa kabuuang seguridad.
Dakong alas-8:30 ng umaga nakatakda ang naturang arraignment sa sala ni Judge Fortunito Madrona ng Branch 274. Base sa ipinalabas na patakaran, bawal ang camera, cellphone sa loob ng korte at 30 katao lamang ang puwedeng pumasok sa loob ng court room dahil sa sobrang liit nito.
Magugunitang una nang hiniling ni Atty. Dennis Manzanal, abogado ni RJ na maisailalim ito sa inquest proceedings dahil ilegal umano ang pag-aresto sa kanyang kliyente ng mga awtoridad na ibinasura ng korte.
Sinabi ni Task Force Ramgen head, Chief Insp. Enrique Sy na bahala na umano ang korte kung gagawing “state witness” ang mga sumukong suspek na sina Glaiza Vista at nobyong si Norwin dela Cruz. Sinabi nito na depende umano ito kung makikita ng piskalya na sila ang may pinakamaliit na partisipasyon sa krimen at importante ang kanilang mga testimonya upang madiin ang mga pangunahing suspek.