MANILA, Philippines - Walang “shoot policy” na ipinatutupad ang dalawang makasaysayang parke sa Lungsod ng Maynila. Ito ang inihayag kahapon ng pamunuan ng National Parks Development Committee (NPDC) at Intramuros Administration (IA). Sa magkasamang statement nina NPDC Executive Director Juliet H. Villegas at IA Administrator Jun Capistrano, iginiit nila na bukas sa publiko at malayang makakapag-pakuha ng kanilang mga litrato o souvenir pictures ang mga ito. Tanging ang mga photo shoots para sa mga commercial advertisements, video, infomercials, events katulad ng prenuptial at iba pang commercial production ang inoobliga ng parke na kumuha ng kaukulang permiso mula sa management ng NPDC at IA upang masiguro ang maayos na takbo ng kanilang photo shoot gayundin ang mapangalagaan ang kapakanan ng mga ito. Ayon kina Villegas at Capistrano, walang sinuman umano ang maaaring makapagbawal sa publiko partikular sa mga Pilipino na makapagpakuha sa mga makasaysayan parke, sa katunayan aniya ay mas lalo pa nilang hinihikayat ang publiko na mamasyal sa Luneta at Intramuros at kumuha ng mas marami pang souvenir shots upang maibahagi at maipagmalaki ito sa kanilang mga pamilya at kababayan sa iba’t ibang dako ng bansa.