4 sa suspendidong bus companies, balik operasyon
MANILA, Philippines - Apat sa labing anim na suspendidong bus company ang balik operasyon kahapon sa kahabaan ng Commonwealth Avenue at EDSA. Napag-alaman sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), ito ay makaraang payagan ng Department of Transportation and Communications na makabiyaheng muli ang apat na bus company na Voyager bus, JFT bus, Nova Transport at Luzon bus companies matapos pormal na makapagsampa ng Motion for Consideration (MC) sa DOTC. Ang apat na bus companies ay kabilang sa labing anim na kompanya na sinuspindi ng anim na buwan matapos mapatunayan na sumama ang mga ito sa nag-strike noong November 15, 2010, ang unang araw ng implementasyon ng bus coding ng Metro Manila development Authority (MMDA). Samantala dahil sa kakulangan ng bus sa Commonwealth Avenue daan-daang commuters ang naistranded kahapon ng umaga partikular na sa area ng Sandiganbayan; Latex; Tandang Sora at Philcoa sa kabila ng pahayag ng MMDA na hindi kukulangin ang mga bus kahit na nagsuspinde ng 1,000 units ang LTFRB.
- Latest
- Trending