MANILA, Philippines - Pormal nang naisampa kahapon ng transport groups ang petisyon na P2.00 dagdag na pasahe sa mga pampasaherong jeep sa unang apat na kilometro at dagdag na P1.75 sa succeeding kilometers sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Kung maaaprubahan, ang kasalukuyang P8.00 na minimum pasahe sa pampasaherong jeep ay magiging P10.00 sa unang apat na kilometro at mula sa dating P1.40 ang succeeding kilometer ay magiging P1.75 .
Ikinatwiran ni Efren de Luna, Pangulo ng Allianced of Concerned Transport Organization (ACTO), naisampa na ang petition na maitaas ang singil pasahe sa jeep dahil nagtaas ulit ng P1.90 kada litro sa diesel P0.65 sa premium at unleaded gasoline at P0.90 sa regular gasoline kahapon.
Anya, panibagong pahirap na naman ito sa mga driver kaya dapat ay payagan na sila ng LTFRB na magtaas ng pamasahe upang mabawi ng mga driver ang nawawalang kita ng mga ito dahil sa patuloy at sunod sunod na oil hike ng mga oil company.
Kasama sa nagsampa ng fare hike petition sina Rolando Marquez ng Liga ng Transportasyon sa Pilipinas, grupo ni Zeny Maranan, Pangulo ng Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP)at Boy Vargas Pangulo ng Alliance of Transport Organization of Drivers and Association of the Philippines gayundin si Obet Martin-Pangulo ng Pasang Masda.
Sa kanyang panig, sinabi naman ni Atty Manuel Iway, Ang fare hike petition na naisampa ng naturang mga transport groups ay para lamang sa National Capital Region, Region 3 at 4.