150 pamilya nasunugan sa QC
MANILA, Philippines - Malungkot ang magiging Kapaskuhan ng may 150 pamilya matapos na lamunin ng apoy ang kanilang tirahan sa lungsod Quezon, ayon sa ulat ng Bureau of Fire Protection kahapon. Ang naapektuhang pamilya ay mula sa 50 kabahayang naabo sa sunog sa Ibayo 2, Brgy. Bagbag sa lungsod.
Sinasabing nagsimula umano ang apoy sa bahay ng isang Dennis Yuson na nasa 079 Anonas st., Ibaba 2 ng nasabing barangay pasado alas-3 ng hapon. Dahil pawang gawa lamang sa light materials ang bahay mabilis na nilamon ito ng apoy hanggang sa madamay na ang kalapit bahay nito.
Nahirapan din ang mga pamatay sunog na agad na maapula ang apoy dahil sa makitid na kalye, kaya napilitan na lamang na ipagdugtong ang hose nito para makarating sa eksaktong lugar ng sunog.
Umabot sa Task Force Charlie ang sunog bago tuluyang itong naapula pasado alas-6 ng gabi. Wala namang iniulat na nasawi sa nasabing insidente. Tinatayang aabot sa P3 milyon ang halaga ng ari-ariang napinsala sa nasabing sunog.
- Latest
- Trending