Trader kritikal sa riding-in-tandem

MANILA, Philippines - Nasa kiritikal na kondisyon ang isang negosyante nang pagbabarilin ito ng dalawang holdaper na riding-in-tandem habang ang biktima ay lulan din sa isang motorsiklo kahapon sa Malabon City.

Inoobserbahan sa Tondo Medical Center sanhi ng mga tama ng bala sa katawan ang biktima na si Manuel Manansala, 45, ng Adante St., Brgy. Tañong ng nabanggit na lungsod. Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insi­dente dakong alas-12:45 ng tanghali sa Estrella St., Brgy. Tañong ng nabanggit na siyudad habang lulan ang biktima sa kanyang motorsiklo nang sabayan ng mga suspek na magkaangkas din sa isang motorsiklo. Walang sabi-sabing pinagbabaril ang biktima at nang bumagsak ay nilapitan ng mga suspek sabay kuha ng belt bag na naglalaman ng cash na aabot sa P10,000 bago nagsitakas.

Show comments