Obstruction of justice, ikakaso pa kay Ramona
MANILA, Philippines - Nakatakdang isampa ng Parañaque City Police ang karagdagang kaso laban kay Maria Ramona Bautista, isa sa umano’y utak sa pagpatay sa nakatatandang kapatid nito na si Ramgen.
Bukod sa kasong murder at frustrated murder na kinakaharap ni Ramona, sasampahan din ito ng pulisya ng kasong obstruction of justice.
Sinabi ni Police Chief Inspector Enrique Sy, ng Parañaque City Police at head ng Task Force Ramgen, bunsod ito umano ng pagbibigay ni Ramona ng mga maling impormasyon sa Las Piñas City Police, na sinasabing kinidnap siya ng mga taong pumatay sa kanyang kapatid na si Ramgen noong Oktubre 28 ng taong kasalukuyan sa kanilang bahay sa Barangay BF Homes, Parañaque City.
Pagkaraan ng ilang araw ay binago ni Ramona ang kanyang naunang pahayag, kung saan pinabulaanan nito na hindi siya kinidnap at nataranta lamang aniya siya kung kaya’t nagkamali siya ng kanyang mga naging pahayag.
Ayon kay Sy, nag-usap na sila ng hepe ng Las Piñas City Police na si Senior Supt. Romulo Sapitula hinggil sa karagdagang kasong isasampa nila kay Ramona ang obstruction of justice.
Nilinaw pa ni Sy, na hindi maaring perjury ang karagdagang ikaso kay Ramona, dahil hindi ito napanumapaan sa notary public o sa piskalya.
Ayon pa rin kay Sapitula, ang Task Force Ramgen na lamang ang bahala sa pagsasampa ng kasong obstruction of justice laban kay Ramona at sila ay tatayo na lamang testigo laban dito.
- Latest
- Trending