MANILA, Philippines - Nakakadena pa sa poste ng kama nang masagip ng pinagsanib na puwersa ng Manila Social Welfare Department (MSWD) at Manila Police District (MPD) ang isang 6-anyos na batang babae habang katabi ang kanyang walong buwan na kapatid sa Tondo, Maynila.
Ang biktimang si Ivy ay sinagip nina MSWD Chief Jay de la Fuente at MPD-Police Station 7 Station Commander Supt. Ernesto Barlam, matapos ang utos mula kay Manila Mayor Alfredo Lim na nakatanggap ng sumbong hinggil sa madalas na pagkadena sa paslit sa loob ng kanilang bahay.
Nabatid na isang Lala Clemente ang nagsumbong sa alkade sa pang-aabuso sa paslit na naninirahan sa Fajardo St., Tondo, Maynila.
Sa pangunguna nina SPO1 Felimon Alimbon, PO3 Ronnie Villanueva at PO1 Pamela Kanen kasama ang mga social workers na sina Annabelle Ilaw at Helen Ramos ay pinuntahan ang tirahan ng bata.
Kaagad na isinailalim sa kustodiya ni De la Fuente ang dalawang bata, habang inaresto naman ang ama nito na nakilalang si Jun Battara.
Idinahilan pa ni Battara na iniwan umano niya ang mga anak sa kanyang 14-anyos na anak na lalaki at hindi niya alam na ikinadena ang paslit.
Ngunit ang pahayag ni Battara ay pinabulaanan ng testigo na nagsabing simula pa noong Mayo ginagawa ng ama ang pagkadena sa anak tuwing aalis ng bahay.
Samantala, pinaghahanap rin ng pulisya ang nanay ng paslit para pagpaliwanagin sa ginagawang pagkadena sa bata.
Sasampahan naman ng kasong paglabag sa Ordinance 8243, na nagpaparusa sa isang tao na mag-aabandona at maglalantad sa isang menor-de-edad sa panganib.
Nasa kalinga ngayon ng Manila Boystown Complex sa Marikina ang dalawang bata.