MANILA, Philippines - Sinalaka ng pinagsanib na elemento ng Manila Police District (MPD) at Optical Media Board (OMB) ang sinasabing DVD burning center na responsable sa pamimirata ng DVD kung saan nadakip ang isang lalaki kahapon ng umaga sa Quiapo, Maynila.
Iniharap nina OMB Chairman Ronnie Ricketts at Chief Insp. Mar Reyes, hepe ng Manila City Hall Public Assistance (CHAPA) kay Manila Mayor Alfredo Lim ang nasamsam na 44 duplicating machine, pitong tower computer, mga blangkong CD at apat na sako ng DVD gayundin si Wahab Sultan na sinasabing nangangasiwa sa ‘burning center.”
Ayon kay Reyes, nakatanggap umano ng impormasyon si Supt.Jimmy Tiu, hepe ng Criminal Investigation Division Unit (CIDU), kaugnay sa mga bahay na gumagawa ng mga piniratang DVDs sa may river bank ng Palanca St. Quiapo, Maynila na dito isinagawa ang raid.
Nalaman na sa kada isang minuto ay kayang gumawa ng 100 kopya ng DVD ang isang duplicate machine at nangangahulugan na nakakagawa ng 264,000 kopya ng piniratang DVD sa loob lamang ng isang oras ang 44 na duplicating machine.