MANILA, Philippines - Tatlong hindi pa kilalang bangkay ng lalaki ang natagpuan sa magkakahiwalay na lugar sa Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Dalawa sa mga bangkay ay nadiskubreng nakabulagta sa panulukan ng P. Campa at J. Barlin Sts., Sampaloc, Maynila.
Inilarawan ang isa na nasa edad 35-40; 5’2’’ ang taas, payat; kalbo; nakasuot ng fatigue shorts; t-shirt na puti; may tattoo na mukha ni “Jesus” at Young, Wild and Free” sa likod at sa dibdib naman ay may tattoo ring “hate it or like it” at “live strong” sa itaas na bahagi ng tiyan.
Ang kasamang bangkay nito ay may taas na 5’5’’; may edad sa pagitan ng 30-35,medium built, regular hair cut, naka- sandong puti at maong na pantalon, at may tattoo na “Ninong Boyet Policarpio.
Ang ikatlong bangkay naman ay natagpuang lumulutang sa Manila Bay, bahagi ng Pier 18, Vitas, Tondo, dakong alas- 7:45 ng umaga. Inilarawan ito sa edad na 40-45, may taas na 5’8’’ hanggang 5’9’’; nakasuot ng brief na puti.
Sa impormasyon ng pulisya, may nakakita sa isang kulay puti na sasakyan na naghulog sa dalawang bangkay sa lugar na ito sa Sampaloc, bago pinaharurot papalayo.
Kapwa markado ng sakal ng lubid sa leeg ang dalawang bangkay na parehong nababalutan ang mukha ng transparent na packaging tape. Nakagapos din ng packaging tape ang mga kamay ng mga ito.
Samantala, ang natagpuang naagnas na bangkay sa Vitas, Tondo naman ay natatakpan ng kulay green na sako sa kanyang mukha, nakatali ng electrical tape ang kamay at paa.
Hinihinalang 3 hanggang 4 na araw nang patay ang biktima.