MANILA, Philippines - Inilabas kahapon ng pulisya ang mukha at pagkakakilanlan ng suspek na bumaril at malubhang nakasugat sa Talk ’N Text basketball player na si Ali Peek kamakalawa ng gabi sa Mandaluyong City.
Ito’y kasabay ng pagbibigay din ni Talk ’N Text (TNT) basketball team owner Manuel Pangilinan ng P500,000 reward para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon na magiging daan para maaresto ang suspek sa krimen.
Ayon kay P/Supt. Armado Bolalin, hepe ng Mandaluyong PNP, ang pagpapalabas nila ng ‘mukha’ ng suspek ay upang mabatid at makatulong ang publiko sa pag-aresto dito.
Sinabi ni Bolalin na ang suspek ay may taas na 5’5’’-5’6”, tinatayang nasa edad na 30-35, may kaitiman ang kulay ng balat, katamtaman ang pangangatawan, nakasuot ng t-shirt at shorts na khaki.
Sinabi naman ni TNT coach Vincent “Chot” Reyes sa kanyang Twitter account na naglaan si Pangilinan ng kalahating milyong reward para agad na maaresto ang suspek.
Base sa report, ang insidente ay naganap dakong alas-7:00 ng gabi habang ang biktima ay papalabas ng RFM gymnasium sa Mandaluyong kung saan ay katatapos lamang ng kanyang workout.
Habang naglalakad ang biktima ay nilapitan siya ng suspek at biglang binaril sa leeg.
Agad namang isinugod sa Medical City Hospital ng mga nakasaksi sa insidente si Peek kung saan nagpapalakas ngayon at sinasabi ng mga doktor na nasa stable condition na ang basketbolista.
Masusi ngayon ang isinasagawang imbestigasyon ng Mandaluyong PNP sa naganap na insidente at isa sa motibong tinitingnan ay pagnanakaw dahil tinangay umano ng suspek ang bag ng biktima.