MANILA, Philippines - Naiakyat na sa korte ang kasong murder at frustrated murder laban sa 18-anyos na si Ramon Joseph Bautista nang hindi na ito dumaan sa preliminary investigation kaugnay ng pagpaslang sa kanyang kapatid na si Ramgen Bautista at tangkang pagpatay sa kasintahan nito na si Janelle Manahan.
Agad na ini-raffle ang naturang kaso laban kay RJ na bumagsak sa sala ni Judge Fortunito Madrona ng Parañaque Regional Trial Court Branch 274.
Nabatid na bago ang naturang kaso, wala pang kontrobersyal na kasong hinawakan si Madrona matapos na ipasa sa kanya ang Branch 274 na dating hinawakan ni Judge Amelita Tolentino na humawak ng Vizconde massacre case.
Hindi na dumalo sa korte si RJ dahil sa ibinigay na “waiver” para sa preliminary investigation at dahil sa may nakabinbin pa silang petisyon ukol sa “warrantless arrest” na isinagawa ng Parañaque City Police.
Itinakda ni Judge Madrona ang arraignment o pagbasa ng sakdal laban kay RJ sa Nobyembre 16.
Hindi naman natuloy ang preliminary investigation sa dalawa pang suspek na sina Michael Jay Naltea at Roy Francis Tolisora dahil sa nabigong makarating ang kanilang mga abogado. Dahil dito, muling itinakda ang preliminary investigation ngayong Miyerkules.
Nagsumite naman ng “addendum” sa kanyang sinumpaang-salaysay ang isa sa mga testigo ng pulisya na si Ronald Ancejas, ang personal assistant ni Ramgen, kung saan idinagdag nito sa kanyang testimonya ang pag-aaway sa pera ng magkakapatid na Bautista.
Samantala, isang bagong saksi naman ang hawak ngayon ng Parañaque police. Nagpatago ang hawak nilang saksi sa alyas na “Lim” na inamin na kasama siyang nakipagpulong kina Norwin dela Cruz at Glaiza Vista bago ang pagpaslang para pag-usapan ang mangyayaring bayaran.
Umatras umano siya nang malaman ang planong pagpaslang kay Ramgen Bautista dahil sa hindi ito kaya ng kanyang konsensya at hindi na nagpakita sa grupo. Isa pa umanong grupo ang nakikipag-ugnayan sa kanila ngayon na may alam umano sa kaso.