Magkakapatid sugatan sa bomba
MANILA, Philippines - Sugatan ang apat na bata nang tamaan ang mga ito ng debris sa pinasabog na bomba ng kanilang kapitbahay sa Valenzuela City.
Kinilala ang mga biktima na sina Crisanto Lugtu, 9, at mga kapatid na sina Cristine Joy Lugtu, 7; Criselda Lugtu, 5 at kapitbahay na si Wilfred Pelayo, 6, pawang mga residente ng Bahay Pari St., Brgy. General T. de Leon ng nasabing lungsod. Ang tatlo ay ginagamot sa Fatima Medical Center sanhi ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan.
Nakakulong naman sa Valenzuela City Police detention cell ang suspek na si Jose Allan Policarpio, 43, isang vendor at kapitbahay ng mga biktima.
Ayon sa report, naganap ang insidente dakong alas-2:00 ng hapon sa loob ng Mendoza’s Compound, na matatagpuan sa #74 Bahay Pari St. Brgy. General T. de Leon ng nabanggit na lungsod.
Nabatid na unang nakitang sinindihan ng suspek ang isang hindi pa matukoy na bomba at makalipas ang ilang segundo ay bigla na lamang itong sumabog at tinamaan ang mga biktima habang ang mga ito ay naglalaro na malapit lamang sa pinangyarihan ng insidente.
Agad namang naaresto ng mga rumespondeng pulis ang suspek at hanggang sa kasalukuyan ay inaalam pa ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng Northern Police District (NPD) at ng Explosive Ordnance Division (EOD) ng Valenzuela City Police kung anong klaseng pampasabog ang sinindihan ni Policarpio.
- Latest
- Trending