Photographer nagbigti dahil sa selos

MANILA, Philippines - Winakasan ng isang 23-anyos na photographer ang kaniyang sariling buhay sa pamamagitan nang pagbibigti dahil umano sa selos nang paghinalaan ang kaniyang misis na may kinahuhu­malingang ibang lalaki sa Marikina City kahapon ng umaga.

Nakilala ang nasawi na si Mark Anthony Momo, residente ng   San Isidro Village, Brgy. Concepcion-Uno, Marikina City.

Batay sa ulat, nabatid na dakong alas-7:45 ng umaga nang matuklasan ni Mang Artemio, 64, ama ng nasawi ang ginawang pagpapakamatay ng anak sa loob ng kuwarto nito.

Sinabi ni Mang Artemio sa pulisya na pinuntahan niya ang anak upang gisingin para mag-almusal ngunit hindi umano ito sumasagot sa kaniyang mga tawag.

Dahil dito, pinilit buksan ng ama ang kuwarto ng anak at dito tumambad sa kaniya ang anak na nakabigti sa kisame, gamit ang isang extension wire.

Sinasabing bago nagpakamatay ang biktima ay magkasama pa ito at ang kaniyang asawa na nagtungo sa trabaho ng babae.

Gayunman, noong Nobyembre 2, dakong alas-10:00 ng gabi ay nagkaroon umano nang mainitang pagtatalo ang mag-asawa dahil nagseselos umano ang biktima at naghihinala na may ibang lalaki ang asawa, na mariin namang itinatanggi ng babae.

Sinasabing ito na ang ikalawang pagkakataon na tinangka ng biktima na magpatiwakal at una na nitong tinangkang wakasan ang sariling buhay may dalawang taon na ang nakakaraan dahil din umano sa selos.

Show comments