MANILA, Philippines - Dinakip ng kanyang mga kasamahan sa Manila Police District (MPD) ang isang traffic police na itinurong pumatay sa isang 19-anyos na security guard matapos maangasan umano nang pagkaguluhan ang huli sa ganda ng boses nang umawit ito sa isang bar, sa Sampaloc, Maynila, noong Linggo ng gabi.
Ayon kay Chief Insp. Joey de Ocampo, hepe ng MPD-Homicide Section,nadakip nila sa isang follow-up operation ang suspect na si PO3 George Cortez, nakatalaga sa Manila Traffic Bureau at residente ng #755 M.V. Delos Santos St., Sampaloc.
Dakong alas-2 ng madaling-araw nang arestuhin si Cortez sa loob ng kanyang bahay matapos inguso ng isang saksi sa pagpatay sa biktimang si Neil Palaca, ng United Bayanihan, San Pedro, Laguna, madaling-araw noong Linggo, sa panulukan ng Moret at S.H. Loyola St., Sampaloc, Maynila.
Lasing umano ang suspect at natutulog nang kanilang dakpin.
Sa imbestigasyon, ang suspect at biktima ay kapwa nakitang umiinom sa magkahiwalay na lamesa sa loob ng Shotgrills beerhouse sa S.H. Loyola St., Sampaloc, Maynila
Nairita umano ang suspect dahil halos lahat ng mga waitress na mga kaibigan niya ay natuon ang pansin at kinilig sa boses ni Palaca. Sinundan umano ni Cortez ang biktima at habang sakay ng motorsiklo ay binaril ang biktima na naglalakad lamang.