Driver timbog sa pangmomolestiya
MANILA, Philippines - Iniharap ni Manila Mayor Alfredo S. Lim sa mga mamamahayag ang isang 34-anyos na driver na itinuturong nangmolestiya at nangholdap sa dalawang dalagita sa Maynila.
Si Benjamin Agustin, Jr. ay positibong itinuro ng dalawang biktima. Ayon sa dalawang biktima, minolestiya at pinagnakawan pa sila ni Agustin.
Ikinuwento ng dalawang biktima kay Lim kasama si Chief of Staff at Media Bureau chief Ricardo E. de Guzman, Manila Police District Acting Director, Col. Alex Gutierrez at Women and Children’s Protection Desk Chief Inspector Anita Araullo, ang kanilang sinapit sa kamay ni Agustin noong Lunes kung saan naglalakad sila sa Escolta papauwi nang alukin sila ng suspect na sumakay sa taxi nito.
Sa halip na iuwi ang mga biktima, dinala ng suspect ang dalawa sa isang motel sa Sta. Mesa subalit hindi pinapasok dahil sa menor-de-edad hanggang sa ipinasya ng suspect na dalhin ang mga ito sa isa pang motel.
Dito na inutusan ng suspect ang dalawa na maghubad subalit tumanggi naman ang mga ito at nag-iiyak.
Minabuti na lamang ng suspect na mag-check-out at ibinaba ang mga biktima sa Galas, Quezon City kung saan tinangay naman ang P1,500. Nagkataon namang may nagpapatrulyang Quezon City police sa lugar at hinabol ang suspect.
Ayon kay Lim, mas naniniwala siya sa pahayag ng mga biktima dahil tuluy-tuloy at pareho ang pahayag ng mga ito.
Bukod dito, inatasan din ni Lim si City Administrator Jesus Mari Marzan na alamin ang mga motel o hotel kung saan sinasabing tumatanggap ng mga menor-de-edad.
- Latest
- Trending