MANILA, Philippines - Ilang empleyado ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang isinugod sa klinika matapos na umano’y malason sa kinaing isda mula sa kantina nito kahapon ng tanghali.
Sa inisyal na ulat, tatlong empleyado ng DILG ang ginamot sa clinic matapos na makaramdam ng pagkahilo nang kumain sa may canteen na matatagpuan sa ikalawang palapag ng DILG main office sa Quezon City.
Nabatid kay Nora Casino, nakatalaga sa Special Projects ng DILG, inireklamo umano ng mga nasabing empleyado ang biglang pagkahilo at pagkakaroon ng malalaking pantal sa mga katawan.
Sinabi ni Casino, isa sa nasabing empleyado ay nakakain umano ng inihaw na tuna mula sa naturang kantina at nakaramdam ng pagkahilo, hanggang sa dalawa pang empleyado ang sumunod na nakaramdam ng ganito.
Kaagad namang binigyan ng paunang lunas ang mga biktima na hanggang sa isinusulat ang balitang ito ay tumanggi namang ibigay ng pamunuan ang mga pangalan sa pakiusap na din ng mga ito habang patuloy na inoobserbahan.
Samantala, nilinaw naman ni Feliz Regis, hepe ng DILG Office of Public Affairs, na ‘isolated” lamang ang nangyari kung saan may ilan din umanong nakakain ng nasabing isda subalit wala namang nangyaring masama sa mga ito.
Posible umanong nahaluan ng bilasang isda ang inihain kung kaya’t may ilang nakakain nito.