Sekyu tumalon sa billboard, todas
MANILA, Philippines - Dahil sa labis na problema sa pag-ibig, winakasan na ng isang security guard ang kanyang buhay nang tumalon ito sa billboard at sumabit pa sa high tension wire ang katawan kahapon ng madaling-araw sa Quezon City.
“Patawarin mo ako.” Ito umano ang naging huling kataga na binitiwan ni Joebert Salahog, 35, ng Villa Imelda Tawid, Camarin Caloocan City, bago tuluyang tumalon sa itaas ng billboard sa Chanca Bldg., sa kahabaan ng Commonwealth Avenue, Brgy. Old Balara sa lungsod, ganap na alas-4 ng madaling-araw.
Ayon kay SPO2 Jimmy Jimena ng Criminal Investigation and Detection Unit ng QCPD, bago ang insidente, ganap na alas-3:35 ng madaling-araw ay nagkaroon umano ng pagtatalo ang biktima at kasintahan nitong si Francia Repomata, 32, ng Laura St., Brgy. Old Balara sa lungsod.
Sa pagtatalo ay nasaktan ng biktima si Repomata na nagtamo ng sugat sa ulo at braso saka dumulog sa bararangay hall para magreklamo. Agad namang rumisponde si SPO1 Cilidonio Caunceran ng PS6.
Nag-ugat umano ang pagtatalo ng dalawa nang magselos umano ang biktima matapos na mabasa ang text message sa cellphone ni Repomata.
Sa pagsisiyasat ni Jimena, pagsapit ni Caunceran sa lugar ay sinabihan sila ng gasoline boy na may umakyat na lalaki sa itaas ng billboard, at habang nag-uusap ay bigla na lamang nakarinig ng sigaw hanggang sa malakas na pagsabog mula sa billboard.
Agad na pinuntahan nila Caunceran ang lugar kung saan naabutan na lang nila ang biktima na nakahandusay at umaagos ang dugo sa ulo, habang sunog na sunog ang buong katawan. Kinumpirma rin ni Repomata na ang naturang biktima ang kanyang boyfriend na nanakit sa kanya.
Ayon sa awtoridad, maaring sumabit muna sa kawad ng kuryente ang biktima, bago tuluyang bumagsak sa lapag kung saan napinsala naman ang ulo nito na kanyang tuluyang ikinamatay
- Latest
- Trending