MANILA, Philippines - Pansamantalang itinigil ng Task Force Ram-Gen ng Southern Police District (SPD) ang manhunt operations laban kay Ma. Ramona Revilla-Bautista habang hindi pa nagpapalabas ng “warrant of arrest” ang korte matapos na kanilang sampahan ito ng kasong murder at frustrated murder.
Ayon kay Task Force head Chief Insp. Enrique Sy, nasa hurisdiksyon na umano ng Parañaque Regional Trial Court ang kaso kaya matapos nilang isampa ito kaya hindi muna nila maaaring arestuhin ang mga sangkot sa krimen hanggang walang warrant of arrest.
Bukod kay Ramona, tatlo pa katao ang nakalalaya na nakilala lamang sa mga alyas na Brian, Glaiza at Norwin. Una namang naaresto ng pulisya ang isa pang kapatid ng biktimang si Ram Gen Bautista na si Ramon Joseph Bautista, mga hinihinalang hitman na sina Michael Jay Cruz at Roy Francis Tolisora.
Ngunit iginiit ni Sy na patuloy naman ang kanilang monitoring kung nasaan si Ramona at iba pang kasabwat upang agad na maaresto ang mga ito sa oras na makapagpalabas na ng warrant ang korte.
Inaresto ang magkapatid na Revilla makaraang inguso ng witness ng pulisya na si Roel Puson. Umamin si Puson na kasama sa nagplano at nagbigay ng advance payment sa mga hitman ngunit sinabing hindi siya kasama sa mismong oras ng pagsasagawa ng krimen kung saan nasawi si Ram habang malubhang nasugatan naman ang kasintahan nitong si Janelle Manahan.
Bagama’t hindi inamin, hindi rin naman itinanggi ni Sy ang lumalabas na tsismis na ang P1 milyon kada buwan na sustento umano sa kanilang pamilya ang dahilan ng pamamaslang kay Ram.
Kahapon, tahasang itinanggi naman ng ina nina Ramon Joseph at Ramona na si Gennelyn Magsaysay na ang kanyang mga anak ang nasa likod ng pagpaslang kay Ram Gen. Pinalaki umano niya ng tama ang mga ito at hindi magagawa ng kanyang mga anak.
Inihatid rin sa huling hantungan si Ram Gen sa lalawigan ng Cavite kahapon ng hapon na dinaluhan ng halos lahat ng angkan ng Bautista.